
CAUAYAN CITY – Nakaalerto na ang Military Defense ng Taiwan kasunod ng nagaganap na full scale invasion ng Russia sa Ukraine.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bombo International News Correspondent Reynand Fenolan Dumala-on, sinabi niya na pinangangambahan ni Taiwan President Tsai Ing Wen na maging inspirasyon ng China ang naging hakbang ng kaalyado nitong Russia sa pananakop at pag-atake sa bansang Ukraine.
Dahil dito ay inalerto na ang Military Defense ng Taiwan.
Inihayag din aniya ni Taiwan President Wen ang desisyon nitong patawan ng sanction ang Russia may kaugnayan sa shipment ng mga electronic chips kasunod ng pagpapataw din ng sanction ng Singapore, Japan at Estados Unidos.
Matatandaan na kamakailan lamang ay nagpalipad ng military air crafts ang China sa Air Defense Zone ng Taiwan gayundin ang ginagawang hakbang ng China sa ilan pang teritoryong nasasakupan ng Taiwan.
Siniguro ng Taiwan na sapat ang lahat ng kanilang supply sakali mang magkaroon ng aberya sa shippments dahil sa nagaganap na sigalot sa pagitan ng Russia at Ukraine.
May mga alternatibong resources ang Taiwan at hindi lamang nakadepende sa krudo kaya hindi pinangangambahan ang kakulangan ng supply.
Una na ring nagpahayag ang pamahalaan ng Taiwan sa pagnanais na lumaban sa China sakali mang magkaroon ng sigalot sa pagitan ng dalawang bansa dahil sa aggresion ng China kasabay ng nagaganap na kaguluhan ngayon sa Eastern Europe.










