--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagsimula na ngayong araw ang mga military drills ng Northern Luzon Command ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sa mga nakalipas na araw ay nagsagawa muna ng rehearsal ang mga kasapi ng NOLCOM bago ang mga military drills sa Balikatan Exercises 2024.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lt.Col. Rodrigo Lutao, Information Officer ng AFP Northern Luzon Command, sinabi niya na bago ang aktwal na execution ay nagsanay muna ang mga tropang kalahok sa military drills ng Balikatan Exercises upang maiwasan ang mga aksidente.

Aniya, mas naunang nagsagawa ng drills ang Philippine Navy sa Western Command sa bahagi ng Palawan kasama ang US Forces.

--Ads--

Nagsimula naman ngayong araw ang pagsasanay sa bahagi ng NOLCOM para sa Bilateral Exercises.

Samantala, simula pa noong March 26 ay sinimulan na nila ang kanilang Humanitarian Civic Assistance Activities na bahagi ng Balikatan Exercises 2024.

Ilang proyekto ang sinimulan ng sandatahan kasama ang US Forces pangunahin ang ilang gusali ng paaralan o daycare centers sa La Union, Ilocos at Cagayan Valley.

Aniya, malaking bagay ang nasabing mga gusali para sa mga kabataan lalo na ang mga nasa malalayong lugar.