Inihayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) Region 2 na nasa 85% na ang compliance rate ng mga negosyo sa Lambak ng Cagayan pagdating sa pagpapatupad ng minimum daily wage rate.
Ito ay matapos lumabas sa budget deliberation ng DOLE sa plenary hall ng Kongreso kamakailan na ang Region 2 ang may pinakamababang compliance rate sa bansa na nasa 60.38% lamang.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Jesus Elpidio Atal Jr., sinabi nito na outdated ang datos na pinakita sa deliberasyon dahil ang 60% compliance rate sa Lambak ng Cagayan ay naitala pa noong buwan ng Hulyo at ngayong Setyembre ay nasa 85% na ito.
Aniya, inaasahan namang tataas pa ang kasalukuyang compliance rate sa Rehiyon dahil tinututukan ng mga labor inspector ang mga kumpanyang may nakitang kakulangan sa pamamagitan ng Technical Advisory Mission (TAM) Sessions.
Sa mga sesyong ito, binibigyan ng gabay ang mga negosyo lalo na ang mga micro business na may mas mababa sa 10 empleyado upang makapag-voluntary comply, partikular sa minimum wage at iba pang labor requirements.
Paliwanag ni Atal, hindi agad isinasailalim sa regular inspection ang mga maliliit na negosyo. Sa halip, binibigyan muna sila ng 20 araw upang tumugon at maitama ang mga paglabag. Kapag hindi pa rin sila nakasunod sa itinakdang panahon, isasailalim na sila sa regular inspection at posibleng maisampa ang kaso.
Ipinaliwanag din niya na kapag hindi sumunod ang kumpanya matapos ang dalawang beses na pagdinig, maaaring maglabas ang Regional Director ng order of compliance. Kapag hindi pa rin ito nasunod, magiging final and executory na ang utos at maaari nang kumpiskahin ang ari-arian o bank account ng may-ari ng negosyo upang masunod ang kautusan.
Dagdag pa ng DOLE, exempted sa minimum wage ang mga negosyo na may mas mababa sa 10 empleyado at nakarehistro sa Barangay Micro Business Enterprises (BMBE) ng DTI.
Isa sa mga karaniwang nakikitang paglabag ay ang kawalan ng trained first aider at safety officers. Maraming kumpanya ang hindi pa nakakapag-comply dahil iniiskedyul pa nila ang mga kinakailangang training, at hindi rin palaging available ang mga training institutions.
Upang mapataas pa ang compliance rate, nagpapatuloy ang DOLE sa pagsasagawa ng employers’ forum sa iba’t ibang probinsya. Natapos na ang mga aktibidad sa Cagayan at Nueva Vizcaya, ngunit naantala ang nakatakdang forum sa Quirino dahil sa bagyo. Susunod naman itong isasagawa sa Isabela, kung saan inaasahang maraming employer na may paglabag ang dadalo upang tuluyang makapag-comply.
Binigyang-diin ni Atal na ginagawa ng DOLE at Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPV) ang lahat ng hakbang upang matukoy ang tamang minimum wage sa rehiyon, lalo na sa harap ng posibleng panibagong wage increase. Hinikayat niya ang mga employer na makipagtulungan at sumunod sa mga umiiral na batas-paggawa, gayundin ang pagdalo sa mga TAM sessions upang mas mapadali ang proseso ng pagsunod.





