CAUAYAN CITY- Kinailangang ilipat sa mas malaking pagamutan ang isang Misis na napaulat na binaril ng sarili nitong Mister sa Buyasan, San Mariano, Isabela.
Una nang napaulat sa Bombo Radyo Cauayan na nagkaroon ng pagtatalo ang mag-asawa na nauwi sa pamamaril matapos umanong mag-selos ang mister nito.
Ayon kay Dr. Janette Leandro, duty Doctor ng San Mariano Provincial and Medical Hospital kung saan unang isinugod ang biktima, kailangang masuri ng mabuti ang tinamong tama ng baril sa kamay ng biktima dahil ito ay tumagos kaya kailangang ipasuri sa isang Surgeon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa biktima na si Sharon Infiel, sinabi niya na baril ng kaniyang ama ang ginamit ng kaniyang asawa sa pamamaril dito.
Nagseselos kasi umano ang mister nito sa dati niyang kasintahan na siyang dahilan ng mainit nilang pagtatalo na nagresulta para kuhanin ng suspek ang baril sa bahay ng tatay nito at pinaputukan ang biktima.
Noong una, akala umano ni Sharon na nagbibiro lamang ang kaniyang mister nang pinagbantaan siya nito na siya ay babarilin.











