--Ads--

CAUAYAN CITY – Dumulog sa himpilan ng Bombo Radyo Cauayan ang isang Ginang upang ipanawagan ang nawawala nitong asawa.

Ang nawawala ay si Ceasar Madriaga Galupo, negosyante at huling nakita suot ang putting T-shirt, Grey na shorts, black na tsinelas at umalis sakay ang putting CRX 150 na motorsiklo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Denissa Galupo, asawa ng nawawala, sinabi niya na umaga ng ika-8 ng Oktubre nang umalis sa bahay ang kaniyang asawa upang bumili ng baka na kakatayin para sa kanilang meatshop.

Dumaan pa umano ito sa kanilang meat shop noong umagang iyon para kuhanin ang nasa 160,000 pesos na gagamitin sa pagbili ng baka at iba pa umano ang dala nitong pera na mahigit 25,000 pesos.

--Ads--

Simula umano nang araw na iyon ay hindi na makontak pa ang kaniyang mister at hindi rin ito tumawag sa kaniyang kapatid na kasosyo nito sa Meatshop.

Bago aniya mawala ang mister nito ay may tumatawag umano sa kaniyang telepono na tila ka-transakyon nito sa bentahan ng baka ngunit wala naman umano silang ideya kung kanino at saan siya bibili.

Iniulat naman na aniya nila sa Tumauini Police Station ang pagkawala ng kaniyang mister at batay umano sa kuha ng mga CCTV footages ay nakita umano ito sa may bahagi ng Delfin Albano ngunit patuloy pa rin sa ngayon ang ginagawang pagsisiyasat ng kapulisan.

Nanawagan naman siya sa publiko pangunahin na ang mga nakakita sa kaniyang mister na makipag-ugnayan lamang sa pinakamalapit na himpilan ng Pulisya.