--Ads--

Nilinaw ng misis ng namayapang si Punong Barangay Presco Baniqued ng San Pedro, Alicia, Isabela na aksidente ang ikinasawi ng kaniyang mister.

Taliwas ito sa kumakalat na impormasyon na kinitil umano ng Punong Barangay ang kaniyang sariling buhay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Teresa Baniqued, inilarawan niya ang kaniyang asawa bilang masayahin at mabait na ama kaya wala siyang nakikitang dahilan para wakasan ng kaniyang mister ang buhay nito lalo na at wala rin siyang mga nakakaalitan na sinuman sa kanilang Barangay.

Dahil dito ay ikinalulungkot niya ang mga kumakalat na impormasyon na ito ay nagpakamatay.

--Ads--

Aniya, bago ang pangyayari ay masaya pa silang nagkukulitan ng kaniyang asawa at nasaksihan pa ito ng kanilang anak na papasok ng trabaho.

Pagkatapos umano ng masayang tagpo na iyon ay nagpaalam sa kaniya ang mister para maki-birthday sa kaniyang chief tanod.

Nagsagawa naman na umano ng pagsisiyasat ang Alicia Police Station ngunit hindi pa nito na nakukumusta ang development hinggil dito dahil abala pa siya sa pag-aasikaso sa burol ng kaniyang asawa.

Matatandaan na nitong Marso 17 ay napaulat na nasawi ang naturang Punong Barangay matapos magtamo ng tama ng baril sa ulo.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Alicia Police Station, unang nakarinig ng putok ng baril ang pamangkin ng biktima at nang magtungo ito sa terrace ng bahay ay nakita ang tiyuhin na nakahandusay sa sahig at duguan.

Nadaganan pa umano nito ang baril na na-issue sa kanila na nagamit sa insidente.

Samantala, naniniwala rin ang Chief Tanod ng San Pedro Alicia, Isabela na aksidente lamang ang pangyayari.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Chief Tanod Pedro Reyes, huling nakasama ng nasawing Punong Barangay, sinabi niya na masaya ang kanilang naging pag-uusap habang sila ay nag-iinuman.

Masaya rin umano itong umuwi sa kanilang bahay kaya laking gulat na lamang nito nang matanggap nito ang balita hinggil sa sinapit ng ama ng kanilang Barangay.