CAUAYAN CITY – Napa-iyak ang misis ni dating Vice Mayor Florante Raspado na si Jones Incumbent Vice Mayor Evelyn Raspado matapos ibaba ng hukuman ang hatol laban sa mga suspek.
Ito ay matapos ibinaba kaninang umaga ni Judge Bonifacio Ong ng RTC Branch 24 sa Echague, Isabela ang habambuhay na pagkabilanggo laban sa mga akusado na sina Retired Army Col. Reynaldo Tapia; Corporal Michael Deocariza, kasapi ng AFP 2nd Infantry Division Philippine Army sa Camp General Mateo Capinpin, Tanay, Rizal at Victor Fontilara, residente ng Tagkawayan, Quezon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Sangguniang Bayan Member Jay-ar Vallejo, kamag-anak at tagapagsalita ng pamilya Raspado na matapos ang hatol ng hukuman laban sa mga akusado ay tinawagan siya ni Mayor Evelyn Raspado na humagulhol ng iyak dahil sa tuwa at nakamit na nila ang katarungan,
Naging emosyunal din si SB member Vallejo sa desisyon ng korte dahil maiibsan na ang sakit na naramdaman ng kanilang pamilya pangunahin na ang asawa ng pinatay na Vice Mayor.
Sinabi pa ni SB member Vallejo na sa loob ng mahigit dalawang taon na pagdinig sa kaso ay palagi anyang tumataas ang presyon ni Incumbent Vice Mayor Evelyn Raspado.
Matatahimik na rin anya ang kalooban ni Incumbent Vice Mayor Evelyn Raspado dahil nakamit na ang katarungan sa pagpaslang sa kanyang mister na si dating Vice Mayor Florante Raspado.




