--Ads--

CAUAYAN CITY – Nanawagan ng tulong kay Pangulong Rodrigo Duterte ang misis ng isang sundalo mula sa San Mateo, Isabela na binaril at pinatay ng mga kalaban ng pamahalaan sa Rosary Heights 7, Cotabato City noong July 2, 2019.

Ang nasawing sundalo ay si Corporal Herminio Belano, 28 anyos at miyembro ng 10th Company ng 5th Special Forces Battalion ng Philippine Army at residente ng Villa Gamiao, San Mateo, Isabela.

Siya ay nagtamo ng tama ng bala ng baril sa ulo habang nasugatan ang kanyang kasama na si Corporal Pacifico Obillo na tinamaan ng bala sa kanyang baba.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Mrs. Carol Belano, maybahay ni Corporal Belano, residente ng Villa Gamiao, San Mateo, Isabela na lumabas sa kanilang kampo ang mister kasama si Corporal Obillo sakay ng motorsiklo ngunit natiktikan ng mga kalaban ng pamahalaan at sila ay pinagbabaril.

--Ads--

Ayon kay Gng. Belano, labis siyang nag-aalala ngayon dahil bata pa ang dalawa nilang anak na nasa edad lima at dalawa.

Sinabi niya na nang ipinabatid sa kaniya ang pagkamatay ng asawa ay para siyang binagsakan ng langit dahil sa sobrang kalungkutan.

Nanawagan siya ng tulong kay Pangulong Duterte na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanyang mister.

Sinabi pa ni Gng. Belano na mayroon nang naunang tulong pinansiyal naipinagkaloob sa kanilang pamilya at nangako ang mga opisyal ng pamahalaang lokal ng San Mateo, Isabela ng tulong at bibigyan ng heroes welcome ang kanyang asawa na 9 na taon na sa serbisyo.

Ang tinig ni Mrs. Carol Belano

Nakaburol ang bangkay ni Corporal Belano sa kaninang bahay sa Villa Gamiao, San Mateo, Isabela at nakatakdang ilibing sa July 17, 2019.

Dumalaw sa kanyang burol kahapon si Mayor Gregorio Pua at mga kasapi ng Sangguniang Bayan ng San Mateo, Isabela