--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang misis matapos patayin ng sariling mister sa isang bakanteng bahay sa Brgy. Villaflor, San Isidro, Isabela.

Ang biktima ay nasa hustong gulang at residente nang nabanggit ng barangay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Grandeur Tangonan, Chief of Police ng San Isidro Police Station, kanyang sinabi na nakaamoy ang mga residente sa lugar nang masangsang na amoy na nagmumula sa abandonadong bahay at nang kanila itong tingnan ay nakita nila ang naagnas nang bangkay.

Kaagad namang nagtungo sa lugar ang mga pulis at base sa kanilang pagsisiyasat ay posibleng tatlong araw nang patay ang biktima.

--Ads--

Base sa pag-iimbestiga posibleng nasawi ang babae matapos pukpukin nang matigas na bagay ang kanyang ulo.

Kusa naman umanong sumuko sa San Isidro Police Station ang suspek na asawa din nang biktima at inamin ang nagawang pagkakasala.

Ayon pa kay hepe plinano din nang suspek na sunugin ang bangkay ng biktima at nasunog na ang mukha nito subalit hindi na nadamay pa ang ibang bahagi ng kanyang katawan.

Away sa pamilya umano ang sinasabi ng suspek na naging dahilan ng kanyang nagawa.

Inihahanda naman na ang kasong Parricide na isasampa laban sa suspek.