--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasunog ang isang bahay sa Sitio Ay-ay, Dagupan, Quezon, Nueva Vizcaya matapos na sunugin mismo ng ama ng tahanan nang hindi payagan ng kanyang misis na makilibing sa kanilang kapitbahay.

Ang suspek ay si alyas Raven, 28-anyos at isang magsasaka.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Quezon Police Station, personal na nagtungo sa naturang himpilan ang misis ng pinaghihinalaan kasama ang ilang opisyal ng Brgy. Dagupan upang ireklamo ang kanyang mister sa pagsunog sa kanilang bahay.

Sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, gabi ng nangyari ang panununog habang lango sa alak ang suspek.

--Ads--

Ayon sa misis, nagpaalam ang kanyang mister na pupunta sa lamay ng kanilang kapitbahay subalit hindi siya pumayag dahil baka manggulo lamang doon.

Kinuha rin niya ang wallet ng mister para itago kaya mas lalo nagalit ang suspek.

Sa takot ng misis na saktan sila ng kanyang asawa ay umalis sila ng dalawa nilang anak at nagtungo sa bahay ng kanyang mga magulang.

Dahil walang damit na nakuha ang misis ay bumalik ang ina nito sa kanilang bahay upang kumuha ng damit subalit nakita na lamang niyang nasusunog na ang bahay ng kanyang anak kaya agad din siyang bumalik at sinabi sa anak ang nakita.

Nang puntahan ng dalawa ang nasusunog na bahay ay nakita nila ang suspek na umiiyak at nagsisisi sa ginawa.

Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng Quezon Police Station na mahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9262 (violence against women and their children), Arson and Damage to Property.