
CAUAYAN CITY – Inihayag ng misis ng lalaking nahuli kamakailan sa isinilbing search warrant sa Sillawit, Cauayan City na nagnegatibo ang kanyang mister sa drug test.
Matatandaang dinakip noong gabi ng July 18 si Erick Coloma, 54-anyos, may asawa at residente rin ng naturang barangay matapos na makasamsam ang mga awtoridad ng iligal na droga at drug paraphernalia sa pagsisilbi ng search warrant sa kanyang bahay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginang Marichel Pascua, misis ng suspek na hinihintay na lamang nila ang desisyon ng piskal sa inihain nilang counter affidavit matapos na mapag-alaman na negatibo ang resulta ng drug test ng kanyang mister.
Aniya, masayang-masaya siya nang malaman na negatibo sa drug test ang kanyang asawa dahil hindi naman talaga ito gumagamit ng iligal na droga.
Full time father ang mister dahil isa siyang caregiver kaya lagi siyang wala sa kanilang bahay.
Ayon kay Ginang Pascua, sa gabing iyon ay dumating siya sa kanilang bahay ng alas-10 ng gabi at nadatnan na niya ang maraming sasakyan at maraming pulis.
Gayunman ay nasaksihan niya ang paghahalughog sa kanilang bahay pangunahin na sa dalawa nilang kuwarto.
Inuna aniyang pinasok ang kuwarto ng anak nilang lalaki at kanyang asawa pero ang mga gamit lamang ng kanilang anak ang kinalkal.
Nang walang makita ay isinunod ang kuwarto nila ng dalawa nilang anak na babae at kinalkal ang gamit niya at ang pangalawa nilang anak.
Dito ay itinuro ng kanyang anak ang isang kulay pula na bagay sa isang gilid na inihulog umano ng pulis kaya kinuha ng naghahalughog at nakita ang laman na iligal na droga at mga drug paraphernalia.
Batay sa kanyang anak, dati na niya itong nakita subalit ayaw niya lamang magsalita dahil tinakot siya ng pulis na kung dadamputin niya ito ay aarestuhin siya.
Giit ni Ginang Pascua na mabait ang kanyang asawa, relihiyoso at kilala na sa kanilang lugar kaya nagtataka sila kung bakit biglang may lalabas na search warrant laban dito.
Dahil aniya sa nangyari ay nagkaroon na ng trauma ang tatlo nilang anak na nasaksihan ang mga pangyayari.
Sa ngayon ay nakakulong pa rin ang kanyang mister sa PNP at wala pang hearing na ipinapatawag.










