
CAUAYAN CITY – Nauwi sa palitan ng putok ang pagsisilbi ng mandamiento de aresto ng mga awtoridad matapos na manlaban umano ang akusado na umano’y kasapi ng Communist Terrorist Group (CTG) sa Kimbutan, Dupax Del Sur, Nueva Vizcaya.
Ang nasawi ay si Rommel Tucay na may mga alyas Ka Isaac, Ka Sining at Ka Lester, 41 anyos at residente ng San Jacinto, Pangasinan.
Si Tucay ay secretary ng KLG Sierra Madre ng New People’s Army (NPA) na puntirya sa pagsisilbi ng mandamiento de aresto ng mga pulis at sundalo kaugnay ng nakabinbing kaso na nauwi sa palitan ng putok.
Kabilang sa mga kaso ang dalawang counts ng murder with multiple frustrated homicide at kasong homicide na isinampa sa RTC Branch 91 at Branch 96 sa Baler, Aurora.
Kabilang pa ang kasong attempted homicide sa MTC Pantabangan, Nueva Ecija.
Nauna umanong nagpaputok ng baril si Tucay sa mga kasapi ng 71st MICO, 73rd Division Reconnaissance Company (DRC), 84th Infantry Battalion Philippine Army at Dupax Del Sur Police Station na nagsilbi ng mandamiento de aresto kaugnay ng mga kasong isinampa laban sa akusado.
Nakuha sa crime scene ng PNP Crime Laboratory ang ilang basyo ng bala at mga armas kabilang ang isang 9mm Beretta pistol, 9 na bala ng 9mm, 3 basyo ng Caliber 5.56 riffle na isasailalim sa verification at cross matching examination.
Ikinalungkot ni PCol. Ranser Evasco, Provincial Director ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO) ang nasabing pangyayari.
Nanghinayang si PCol. Evasco sa pagkakataong maaaring matiwasay na sumuko ang akusado para naiwasan ang palitan ng putok.




