--Ads--

Mas pinaigting ng Pamahalaang Panlungsod ng Cauayan City ang pagpapatupad ng mobile sessions makalipas ang unang pagdaraos nito sa Barangay Buena Suerte, Cauayan City nitong Enero 12, 2026.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Panlungsod Member Paolo Eleazar “Miko” Delmendo, sinabi niyang naging maayos ang unang mobile session ngunit may mga kakulangan pa, partikular ang kawalan ng ilang department heads na sana’y makakatulong upang agarang masagot at maresolba ang mga hinaing na inilalahad sa open forum.

Ayon kay SP Delmendo, upang masiguro na matapos ang lahat ng barangay, ipatutupad na ang clustering per region kung saan apat na barangay ang iimbitahan sa bawat mobile session.

Kaugnay nito, isa sa mga nabanggit na madalas na problema sa West Tabacal Region ay ang sirang mga kalsada. Inihayag din ng alkalde na sisimulan na ang pagkukumpuni ng mga kalsada sa lugar, kabilang ang Sipat Bridge.

--Ads--

Samantala, patuloy na tinatalakay sa ikalawang pagbasa ang ilang mahahalagang ordinansa gaya ng Market Code na magiging gabay sakaling tuluyang pamahalaan ng LGU ang public market ng lungsod. Inihayag din na nasa proseso na ng legal action ang isyu kaugnay ng Primark.

Dagdag pa ni Delmendo, hindi lahat ng sesyon ay idaraos sa barangay dahil kung mahaba ang agenda ay mananatili ito sa session hall.

Gayunman, kung mas kakaunti ang agenda, isusulong ang mobile sessions sa mga barangay upang mabigyang-daan ang open forum at marinig ang tinig ng publiko.