Hindi gagawing excuse sa lungsod ng Cauayan ang pagdiriwang ng bagong taon upang pahintulutan ang mga motorista na magkabit ng mga modified mufflers sa kanilang mga sasakyan batay sa babala ng Public Order and Safety Division (POSD).
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na simula nang maibigay sa mga otoridad ang decibel meter ay naging puspusan na ang pagsita at pagkumpiska sa mga gumagamit ng modified mufflers.
Bagaman nakaugalian na rin aniya tuwing bagong taon ang pagpapaingay saan mang lugar subalit hindi pa rin aniya makakalusot sa hanay ng PNP, HPG, LTO, at sa kanilang ahensya ang mga maiingay na tambutsyo kaya ito kukumpiskahin.
Laking pasasalamat ng ahensya dahil marunong umanong sumunod sa batas lansangan ang mga motorista at simula nang malaman na mayroong decibel meter ay hindi na muling nakapag kumpiska ng mga mufflers.
Matatandaan na noong nakaraang taon ay nagbigay ng konsiderasyon ang POSD kung saan ay hindi hinuli ang mga may modified mufflers sa araw ng January 1 ngunit pagsapit na ng January 2 ay muli na itong pinagbawal.
Sa pagkakataong ito ay hindi na nagbigay ng pahintulot ang mga otoridad sa paggamit ng maiingay na tambutso.
Sa ngayon, hinihikayat naman ang publiko na mag-ingay na lamang sa pamamagitan ng mga regulated na paputok at mga improvised na pampaingay.











