CAUAYAN CITY – May 140,000 pesos na reward money dahil sa kasong pagpatay sa isang dalaga na tinangkang gahasain sa Cavite 23 taon na ang nakalipas ang inarestong magsasaka sa barangay Dipacamo, San Guillermo, Isabela.
Ang akusado ay si Rommel Legazpi, 41 anyos, magsasaka at tubong Dasmarinas City, Cavite ngunit nakatira na sa Dipacamo, San Guillermo, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj Mariano Marayag Jr., hepe ng San Guillermo Police Station, sinabi niya na batay sa pahayag ng mga intelligence operatives ng Dasmarinas City Police Station, natunton nila ang akusado sa pamamagitan ng kanyang anak na nag-aaral sa Cavite.
Kinuha nila ang record ng estudiyante sa paaralan at napag-alaman nila na anak siya ng most wanted person na si Legazpi.
Ang pagsaksak at pagpatay ni Legazpi sa dalagang tinangka niyang gahasain ngunit nanlaban ay nangyari noong 1996 at 18 anyos lamang siya noon.
Nagtago si Legazpi sa kanyang kamag-anak sa Dipacamo, San Guillermo.
Dinala na ang akusado sa Cavite matapos siyang arestuhin ng pinagsanib na puwersa ng San Guillermo Police Station at Dasmarinas Police Station.