
CAUAYAN CITY – Naipasakamay na sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang number 1 most wanted person sa Nueva Vizcaya na may kasong multiple rape at naaresto sa lalawigan ng Pampanga matapos ang 14 taon na pagtatago.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PCpt Rudil Bassit, hepe ng Dupax Del Norte Police Station na halos 14 na taon na nagtago sa batas ngunit natunton at nahuli ng mga awtoridad ang akusado na itinago sa pangalang Ben, 37 anyos, construction worker at pansamantalang tumira sa Pampanga.
Sa isinagawang manhunt operation sa Balubad, Porac, Pampanga ay nadakip ang akusado sa bisa ng mandamiyento de aresto na ipinalabas ni Hukom Vincent Eden Panay, dating Presiding Judge ng RTC-Branch 30, Bayombong, Nueva Vizcaya sa kasong Multiple Rape.
Ayon kay PCpt Bassit, maraming beses umanong hinalay ng akusado ang 17 anyos na pinsan nito na kanyang nabuntis noong Enero 2008.
Nagsampa ng kaso ang pamilya ng biktima laban sa akusado.
Bago maaresto ang akusado ay nagtago sa iba’t ibang lugar kaya umabot ng halos 14 na taon bago naaresto.
Nabatid na ang binatilyong kinupkop ng mga kasapi ng Dupax Del Norte Police Station dalawang taon na ang nakalipas ay anak ng hinalay ng akusado.
Ayon kay PCpt Bassit, napunta sa kanilang kustodiya ang binatilyo dahil sa mga kinasangkutang pagnanakaw.
Iniwan umano ng ina ang anak dahil hindi matanggap ng kanyang napangasawa.
Tumanggi ang ninatilyo na kausapin ang kanyang ama.




