Isang malubhang aksidente ang naganap sa kahabaan ng National Road, Brgy. Minante 1, Cauayan City, Isabela dakong alas-9:30 ng gabi nitong Enero 6, 2026.
Batay sa ulat, sangkot sa aksidente ang isang pick up na kulay pula na minamaneho ni Lyndon, 35 taong gulang, binata at isang motorsiklo na minamaneho ni Richard, 25-anyos, na kapwa residente ng Cauayan City.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng Cauayan City Police Station, parehong tinatahak ng dalawang sasakyan ang National Highway patungong timog.
Liliko pakaliwa ang pick up nang bumangga sa likurang bahagi ng sasakyan ang motorsiklo na mabilis ang takbo.
Dahil dito, nagtamo ng malubhang sugat sa katawan si Richard at agad na isinugod ng mga rumespondeng tauhan ng rescue 922 sa Cauayan Medical Specialist Hospital. Gayunman, idineklara siyang dead on arrival ng kanyang attending physician.
Sa kasalukuyan nasa pangangalaga ng Cauayan City Police Station ang parehong sasakyan na nagtamo ng hindi pa natutukoy na halaga ng pinsala.










