--Ads--

CAUAYAN CITY- Sugatan ang isang lalaki matapos sumalpok sa papalikong trailer truck sa kahabaan ng National Highway na nasasakupan ng Barangay San Fermin, Cauayan City.

Ang biktima na lulan ng single na motorsiklo ay kinilalang si Rexon Andres, 26-anyos na residente ng Villa Concepcion, Cauayan City habang Trailer truck naman ay minamaneho ni Jimmy Terte, 32-anyos, driver at residente ng Barracks Highway, Bonuan Boquig, Dagupan City.

Batay sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station, lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na palabas ng warehouse ang trailer truck patungong north direction partikular sa papuntang poblacion area habang ang single na motorsiklo naman ay patungong south direction o patungo naman sa Alicia, Isabela.

Batay pa sa imbestigasyon, mabilis ang takbo ng motorsiklo dahil nag-overtake pa ito sa ilang sasakyan na noon ay nakahinto para bigyang daan ang pagliko ng truck.

--Ads--

Dahil sa bilis ng patakbo ay hindi napansin ng biktima ang truck dahilan upang sumalpok ito sa landing gear ng trailer truck.

Nagtamo ng head injury at sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang tsuper ng motorsiklo na agad namang dinala sa pagamutan.

Ang parehong sasakyan na sangkot sa aksidente ay nagtamo rin ng pinsala na ngayon ay hindi pa matukoy ang kabuoang halaga.

Hinihintay naman sa ngayon ang magiging pag-uusap ng biktima at tsuper ng trailer truck.