Pinahinto ng isang highway patrol official sa California ang isang sasakyan matapos itong makitang gumagamit ng pekeng plaka na iginuhit lamang upang magmukhang opisyal na license plate ng California.
Sa opisyal na pahayag ng Merced Station ng California Highway Patrol, sinabi nilang pinahinto nila ang sasakyan matapos mapansin na may kakaiba sa likurang plaka nito. Nang inspeksiyunin, lumabas na ito ay sulat-kamay. Ayon sa hinuling motorista, nawala ang kanyang orihinal na plaka.
Ibinahagi rin ng awtoridad ang larawan ng plaka, na nagtatampok ng iginuhit na mga letra, numero, logo, at pekeng registration sticker. Bilang biro, sinabi ng mga opisyal na binigyan nila ng puntos ang driver para sa pagiging malikhain.
Ayon sa California Highway Patrol, bagama’t pinahahalagahan nila ang pagsisikap ng ilan na manatiling sumusunod sa batas kahit nawala ang plaka, hinihingi pa rin ng batas ng California na ang mga sasakyan ay gumamit lamang ng mga plakang opisyal na inisyu ng estado. Kung nawala o ninakaw ang mga plaka, maaaring kumuha ng kapalit sa Department of Motor Vehicles.











