CAUAYAN CITY- Dead on arrival sa pagamutan ang isang motorcycle rider matapos itong sumalpok sa kasalubong na delivery van sa Barangay San Fabian, Echague, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Domer Pelo ang hepe ng Echague Police Station, sinabi niya na ang biktima ay sakay ng single motorcycle at papunta sa direksyon ng Santiago City.
Nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente bigla umanong umagaw ng linya ang motorsiklo sa kasalubong na delivery van bagamat sinubukan na iwasan ng van ay sumalpok parin ito.
Sa lakas ng pagkakabangga ay nagtamo ng malubhang sugat sa ulo ang biktima na agad dinala sa pagamutan ng Rescuers subalit idineklarang dead on arrival ng attending physician.
Dahil sa mga naitatalang aksidente sa lansangan ay humiling na sila sa LGU Echague ng karagdagang ilaw sa kahabaan ng Barangay San Fabian na isang accident prone area dahil sa may kadiliman sa lugar.
Sa ngayon ay pinaiigting nila ang pagpapatupad ng traffic laws and regulation dahil sa karaniwang nasasangkot sa aksidente ay mga menor de edad na mga estudyante.





