--Ads--

Narekober ng mga opisyal ng Barangay ang isang abandonado at chop-chop na motorsiklo sa kahabaan ng Barangay Tagatan, Cauayan City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Daniel Acob, sinabi niya na may isang concerned citizen ang nagparating ng impormasyon tungkol sa pagkakatagpo ng isang chop-chop na motorsiklo sa talahiban malapit sa isang sakahan na nasasakupan ng Barangay.

Agad siyang nagtungo sa lugar upang kuhanan ng larawan ang nasabing behikulo.

Sa ginawang pagsisiyasat, napag-alaman na isang residente mula sa Purok 4 ng naturang Barangay ang nawalan ng motorsiklo noong Enero 30, pasado alas-diyes ng gabi.

--Ads--

Batay sa may-ari na si Ariel Reyes, hiniram ng kanilang kaanak ang motorsiklo para makipag-inuman. Subalit dahil umano sa kalasingan, iniwan na lamang nito ang motorsiklo sa kalsada kasama ang susi.

Binalikan umano ito sa lugar, ngunit wala na hanggang sa matagpuan sa talahiban na wala na ang mga piyesa.

Ayon kay Kagawad Acob, katatapos lamang bayaran ng may-ari ang motorsiklo na tatlong taon umanong hinulugan.

Nagawa umano nitong makilala ang motorsiklo kahit pa kalansay na ito dahil sa handle ng preno at cover.

Sa ngayon, inaalam pa ng PNP ang magiging pananagutan ng humiram kaugnay sa mga nawalang piyesa ng motorsiklo habang gumugulong ang imbestigasyon kung sino ang nasa likod ng pagnanakaw.

Aminado naman ang opisyal na hindi ito ang unang pagkakataon na makapagtala sila ng nakawan ng motorsiklo at pagbaklas ng mga piyesa.