--Ads--

CAUAYAN CITY – Ninakaw ang isang motorsiklo na nakaparada mismo sa loob ng isang compound sa Victoria, Alicia, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Geno Liban na ninakaw ang kanilang motorsiklo na isang NMAX glossy red na may plate number na 352 BNB noong April 9 ng alas-tres ng madaling araw.

Batay aniya sa kanilang mga kapitbahay, narinig nilang umandar ang motorsiklo ng alas-tres ng madaling araw pero inakala nilang ang kanyang ama ang nagpaandar dito.

Aniya, nakaparada ang motorsiklo sa loob mismo ng kanilang compound at may bakod at gate rin sila na nakalock sa mga panahong iyon kaya hindi nila lubos akalain na mananakaw ito.

--Ads--

Inakyat aniya ang kanilang gate at tinanggal ang lock nang makapasok na sa loob ang magnanakaw.

Aminado naman siya na iniiwan nila lagi ang susi sa motorsiklo dahil kampante naman sila dahil nakalock ang kanilang gate.

Ang problema lang ay wala silang CCTV na makakatulong sana para matukoy ang nagnakaw.

Sa ngayon ay naireport na nila ito sa pulisya at patuloy pa rin itong pinaghahanap.

Ayon kay Liban, limang taon na sa kanila ang motorsiklo kaya panawagan nila sa mga nagnakaw na ibalik na lamang ito dahil pinaghirapan din nila ito.

Unang pagkakataon naman ito na may mawalang motorsiklo sa kanilang compound pero sa kanilang barangay ay may nauna nang nilooban na bahay.

Paalala niya sa mga kapwa niya may motorsiklo na huwag iiwan ang kanilang motorsiklo sa kung saan-saan at huwag magpapakampante.

Tinig ni Geno Liban.