--Ads--

CAUAYAN CITY –  Patay ang dalawang sakay ng motorsiklo matapos sumalpok sa kasalubong na Florida Bus sa Sta. Rosa, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Ang mga nasawi ay sina Roderick Lanuza, 20 anyos, driver ng motorsiklo at angkas na si Myrna  Dumangeng, 29 anyos, biyuda, kapwa residente ng Runruno, Quezon,  Nueva Vizcaya.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan kay PSSgt Richard Aglubat, imbestigador ng Bayombong Police Station, sinabi niya na nakita sa dash cam ng bus na biglang umagaw ng linya patungong kaliwang direksyon ang motorsiklong sinakyan ng mga biktima na dahilan para sumalpok sa bus na patungong Isabela.

Aniya,  ikinagulat ng driver ng bus na si Antonio Rumbaoa,  48-anyos, residente ng  Kinacao, Bagabag, Nueva Vizcaya ang biglang pagtawid ng kasalubong na motorsiklo na dahilan upang masalpok nito.

--Ads--

Nakaladkad ang dalawang sakay nito  hanggang tatlong metro ang layo at pumasok pa ang ilang bahagi ng motorsiklo sa ilalim ng bus.

Ayon pa kay PSSgt Aglubat,  ang mga biktima ay patungo sana sa Nueva Vizcaya Provincial Hospital upang dalawin ang kanilang kakilala na naging biktima ng aksidente.

Agad na isinugod ang mga biktima sa ospital subalit idineklarang dead on arrival.

Ang driver ng bus ay nasa kustodiya na ng Bayombong Police Station at inihahanda ang isasampang kaso laban sa kanya.