--Ads--

Hindi pa rin nararamdaman ng mga mamimili sa Cauayan City ang target na ₱120/kilo na presyo ng sibuyas na itinakda ng Department of Agriculture (DA).

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Charlito Tabulo, tindero sa isang pribadong palengke, hindi pa nila kayang ibaba ang presyo dahil mataas pa rin umano ang bigay sa kanila ng mga supplier na umaabot sa ₱150 hanggang ₱180 kada kilo.

Dahil dito, nananatili pa rin sa ₱200 hanggang ₱250 ang bentahan ng parehong pula at puting sibuyas sa pamilihan.

Bagama’t mas mababa na ito kumpara noong nakaraang linggo na umaabot pa sa ₱300 kada kilo ang retail price, hindi pa rin ito tugma sa target na presyo ng DA.

--Ads--

Inihayag ni Tabulo na may ilang mamimili ang naghahanap na ng sibuyas na nagkakahalaga ng ₱120/kilo, ngunit maayos naman daw nila itong ipinapaliwanag na hindi pa kaya ng kanilang panig na ibigay ang presyong hinihingi.

Gayunpaman, umaasa ang mga tindero na sa mga susunod na linggo, lalo na paglapit ng Kapaskuhan, ay unti-unti nang bababa ang presyo ng sibuyas sa lungsod.