--Ads--

CAUAYAN CITY – Muling pinaalalahanan ang mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak matapos maitala ang bagong insidente ng pagkalunod sa San Luis, Cauayan City.

Ang biktima ay 7-anyos na residente ng Purok 6 ng naturang barangay.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kapitan Reymond Calimag, sinabi niya na dahil wala ng pasok sa paaralan ay nakipaglaro ang biktima sa isa pang bata hanggang sa napagdesisyunan nila na maligo sa ilog.

Naalarma lamang ang kuya ng biktima nang makita nito ang kalaro ng kapatid na bitbit ang damit nito at sinabing naliligo sa ilog ang biktima.

--Ads--

Agad silang nagpatulong sa barangay at isang barangay tanod ang naatasan na sisirin ang ilog.

Posible umanong napadpad sa malalim na bahagi ng ilog ang bata dahil natagpuan ang katawan nito malapit sa tulay dalawang daang metro ang layo kung saan siya naligo at dakong alas-3 na ng hapon nang maiahon ang katawan nito.

Binabantayan naman ng kanyang tiyahin ang biktima subalit hindi nito nakita na nagtungo pala sa ilog.

Nasa bahay din naman aniya ang nanay ng biktima subalit bedridden na ito.

Dahil sa insidente ay nagpaalala ang punong barangay sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak upang makaiwas sa pagkalunod.

Tinig ni Barangay Kapitan Reymond Calimag.