Nakatakdang magsagawa ng pagpupulong ang Echague Municipal Council kasama ang mga meat vendors upang talakayin ang isyu kaugnay sa presyo ng baboy na naging dahilan ng ilang araw nang hunger strike ng mga vendors.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sanguniang Bayan Member Rodolfo Acosta Jr. na nagpanukala at naglathala ng Municipal Ordinance na nagreregulate sa presyo ng baboy sa 320 pesos per kilo, sinabi niya na hindi naman fix ang naturang price regulation at maaari naman itong baguhin.
Paglilinaw niya na hindi naman kailangan na idaan sa hunger strike ang panawagang taas presyo sa baboy dahil kasama ang mga meat vendor ng magawa at ipasa ang ordinansa.
Sa katunayan aniya nakasaad dito na binibigyan ng dalawang Linggo ang mga meat vendor para I-apela ang kanilang taas presyo dahil dadaan ito sa proseso bago aprubahan ng konseho.
Hindi aniya maaaring ura-urada na magtaas ng presyo ang mga meat vendor dahil sa ang kawawa dito ay ang mga mamimili.
Bilang hakbang ay nag-obserba muna sila sa paggalaw ng presyo ng kada kilo ng baboy sa ibang mga pamilihan partikular sa Bayan ng Alicia kung saan ang bentahan ay naglalaro sa 320 pesos hanggang 340 pesos kada kilo kahit pa mas mataas ang presyuhan ng live weight sa naturang Bayan kumpara sa Echague, Isabela.
Dahil dito ay kinausap nila ang Market Administrator upang makausap nito ang mga meat vendor sa panukalang 340 pesos kada kilo sa baboy.
Sa Lunes ay magkakaroon ng pagpupulong kung saan bukas ang konseho sa posibleng ammendments sa kasalukuyang Municipal Ordinance.