Nakikiisa ang higit 300 na Muslim sa Muslim Center-San Fermin, Cauayan City sa pagsisimula ng Ramadan, ang ika-siyam na buwan sa kalendaryong Islamiko at itinuturing na pinakabanal na panahon para sa mga Muslim.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Imam Cairoding Gumama, sinabi niya na napakahalaga para sa mga Muslim na gunitain ang Ramadan dahil ito ay panahon ng disiplina sa sarili, pagpapakumbaba, at paglapit kay Allah.
Bukod aniya sa mga taga Pakistan na naninirahan sa Cauayan ay mayroon ding mga Muslim sa San Mariano na nakikiisa sa naturang paggunita.
Aniya, kadalasang nagsasagawa ng isang-buwang pag-aayuno ang mga Muslim na nasa hustong gulang sa tuwing banal na buwan kung saan umiiwas ang mga ito sa pagkain, pag-inom, paninigarilyo, at masasamang gawa mula madaling araw hanggang sa paglubog ng araw.
Ilan naman sa mga ginagawa tuwing Ramadan ay ang pag-inom ng tubig at pagkain ng mga prutas tuwing alas 5-6 ng hapon at alas 5 ng umaga bago bumalik sa pagdarasal.
Samantala, wala namang negatibong komento ang Muslim Community sa hindi pagdeklara ng Malacañang bilang holiday ngayong umpisa ng Ramadan dahil nasanay na umano sila at ang mahalaga ay iparamdam na lamang ng Malacañang at ilang indibidwal ang pag respeto at pagpapaabot ng pakikiisa.
Nananawagan naman ang mga Muslim na isa-puso at isa-diwa ang kahalagaan ng Ramadan lalo na sa mga tunay na Islam.








