--Ads--

CAUAYAN CITY – Pinaghandaan ng husto ng mga kapatid nating muslim sa Cauayan City ang Eidl Adha na nagsimula na ngayong araw, ikalabing anim ng Hunyo.

Ayon sa pamunuan ng Muslim Community sa Cauayan City, ito ang pag-alala ng mga Muslim sa kahandaan ni Ibrahim na isakripisyo ang kaniyang anak na si Ishmael bilang pagsunod sa utos ni Allah.

Ito ay isa sa mga pinakamahalagang kapistahan sa Islam at ang pangalawang pinakamalaking kapistahan ng mga Muslim.

Ang pagdiriwang ay hudyat din ng pagtatapos ng taunang Hajj o Islamic pilgrimage sa Mecca sa Saudi Arabia.

--Ads--

Tampok sa Eid’l Adha ang sama-samang pagdarasal ng mga muslim, na nagsisimula ng alas kwatro trenta ng umaga sa Takbir o dasal habang hinihintay ang pagsikat ng araw.

Susundan naman ito ng Sala o pagdarasal nang mas malaking grupo, na isa rin sa mga highlight ng pagdiriwang.

Matapos nito, isasagawa ang sermon ng Imam.

Bilang tradisyon ng Eid’l Adha, kinakatay ang mga halal na hayop tulad ng tupa, kambing, baka o camel.

Ang hayop ay hahatiin sa tatlo at pagbabahagian. Isang bahagi ay para sa pamilya, isa para sa mga kaanak at kaibigan, at isa para sa mahihirap at nangangailangan.