CAUAYAN CITY – Sinuportahan ng Muslim Community ng Cauayan City ang deklarasyon ni Pangulong Duterte ng Martial Law sa buong Mindanao.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Lino Calao, dating pangulo ng Muslim Community sa Cauayan City, sinabi niya na nalulungkot sila sa mga karahasan sa Marawi City.
Sinabi niya na hindi gawain ng isang Muslim ang ginagawa ng Maute group na paghahasik ng kaguluhan dahil ang tunay na Muslim ay relihiyoso.
Inamin niya na nabigla siya sa biglaang pagdedeklara ni Pangulong Duterte ng Batas Militar sa Mindanao ngunit tama lamang ang naging desisyon ng pangulo upang mawakasan na ang karahasan sa nasabing rehiyon.
Tiniyak naman ni Ginoong Calao na malayong mangyaring makipagtulungan ang kanilang panig sa anumang pangkat na kumakalaban sa pamahalaan dahil ang paggawa ng karahasan ay labag sa batas ng kanilang pananampalataya.
Nanawagan din siya sa kanyang kapwa Muslim na huwag sumama sa mga teroristang grupo dahil ang mamamayan ang pangunahing maapektuhan sa gulo na nagyayari sa bansa.




