CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang tricycle driver matapos na malunod sa ilog Diadi na bahagi ng Barangay Abra, Santiago City.
Ang biktima ay si Edison Dulay, 63 anyos at residente ng naturang barangay.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Santiago City Police Office (SCPO) Station 1, alas singko kahapon, Linggo ng Pagkabuhay nang malunod sa ilog ang biktima.
Naligo sa ilog si Dulay ngunit nang maanod ang kanyang tsinelas ay sinundan niya ito na dahilan ng kanyang pagkalunod.
Hindi na na-revive ang biktima nang maiahon sa tubig ayon sa mga tumugon na kasapi ng Rescue 1021.
Napag-alaman na positibo sa nakalalasing na inumin si Dulay.
Paalala ng mga awtoridad sa publiko na tumalima sa mga panuntunan at kautusan tulad ng pagbabawal sa pagtungo sa ilog para maligo lalo na noong panahon ng Semana Santa.