--Ads--

CAUAYAN CITY – Inamin umano ng naarestong suspek sa Maddela, Quirino na isa siya  sa mga nagplano at nagsilbi siyang  spotter o sumubaybay kay Fr. Richmond Nilo, parish priest ng St. Vincent Ferrer Parish Church sa Zaragoza, Nueva Ecija bago siya binaril at pinatay noong ika-10 ng Hunyo 2018.

Ang isa sa walong suspek sa pagpaslang sa pari na si Bernie Limpio, 36 anyos ng Laqios, Arayat, Pampanga ay naaresto kahapon sa Sta. Maria, Maddela, Quirino kung saan siya nagtago ng ilang buwan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Sr. Inspector Eric Rumbaua, hepe ng Maddela Police Station, sinabi niya na si Limpio ay miyembro umano ng grupo na nagbebenta ng baril at gun-for hire.

Sinabi ni P/Sr. Inspector Rumbaua na may natanggap silang impormasyon sa kanilang asset na si Limpio ay nagbebenta ng baril ngunit naging negatibo ang isinagawa nilang test buy.

--Ads--

Nagbebenta rin umano ng illegal na droga kaya nagsagawa sila ng drug buy-bust operation at naaresto ang suspek.

Hindi umano alam ng mga kamag-anak na tinirhan ni Limpio sa Sta. Maria, Maddela na mayroon siyang kinasangkutang murder case sa Nueva Ecija.

Ayon kay P/Sr. Inspector Rumbaua, isasailalim nila sa inquest proceedings si Limpio matapos makumpiskahan ng isang sachet ng shabu sa isinagawang drug buy-bust operation bago siya ipasakamay sa pulisya sa Nueva Ecija.

Matatandaang, ang bumaril kay Fr. Nilo na si Omar Mallari ay naaresto noong buwan ng Hulyo.

Siya ang nagturo sa utak o mastermind na si Manuel Torres na tiyuhin ni Christopher Torres na sinampahan ng kaso dahil sa paratang na pangmomolestiya sa tatlong altar boy.

Nagalit umano si Manuel Torres kay Fr. Nilo dahil sa pagpupursige sa kaso laban sa kanyang pamangkin na hindi na natuloy ang pagpasok sa seminaryo.

Umupa siya umano ng mga gun-for-hire sa bayad na 100,000   para patayin si Fr. Nilo.