CAUAYAN CITY – Isasailalim sa operasyon ang isang kasapi ng Isabela Environment Protection Task Force na nagtamo ng malubhang sugat matapos barilin habang hinahabol ang isang puting van na hinihinalang may mga sakay na labag sa batas na nilagareng kahoy sa Tumauini, Isabela.
Kaninang madaling araw, habang nagsasagawa ng roving patrol ang mga kasapi ng task sa Balog, Tumauini nang mapansin ang isang puting van na walang plaka na may kabagalan ang takbo dahil mabigat ang dala nito.
Hinabol ni Richard Mamaoag, kasapi ng kasapi ng task force sakay ng motorsiklo ang puting van para parahin ngunit sa halip na tumigil ay binaril ang biktima.
Ayon kay ENRO Geronimo Cabaccan, ang biktima ay nagtamo ng tama ng bala ng baril at itinakbo sa Cagayan Valley Medical Center.
Dadalawin ni G. Cabaccan ang kanyang tauhan para magbigay ng alalay at tulong.
Patuloy ang pagsisiyasat ng Tumauini Police Station para matukoy ang mga sakay ng van na bumaril kay Mamaoag.




