CAUAYAN CITY – Walang pinsala na dulot ng naganap na lindol kahapon sa mga pambansang lansangan at tulay sa ikalawang rehiyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Michael Conag, Information Officer ng Office of Civil Defense (OCD) region 2 na nagdulot ng pangamba sa mga mamamayan ang naganap na pagyanig na tinatayang umabot sa 15 seconds.
Nagdulot lamang ng maliliit na crack o bitak sa ilang bahay at gusali batay sa ulat ng mga pamahalaang lokal.
Gayunman, hihintayin pa rin nila ang final assessement at report ng Department of Public Works and Highways (DPWH) region 2.
Sa Lawed, Kayapa ay nagkaroon ng soil erosion sa bundok malapit sa provincial road ngunit naayos agad.
Walang nangyaring interruption sa elektrisidad, komunikasyon at linya ng tubig.
Nilinaw ni Ginoong Conag na nasugatan at hindi nasawi ang naiulat sa Centro Sur, Gattaran, Cagayan.
Nahilo habang naglalakad ang isang babae kaya natumba at dinala sa ospital.
Isasailalim sa operasyon ang nabaling kanang kamay ng biktima.
Samantala, naka-standby ang kanilang response assets at kung may order mula sa kanilang punong tanggapan na na kailangan ang augmentation force sa mga karatig na lalawigan na nagtamo ng malaking pinsala ay handang tumulong ang mga response assets.
Ang mga response assets ay magmumula sa mga Local Government Unit (LGU), uniformed personnel tulad ng Tactical Operations Group 2 ng Philippine Air Force, Philippine Army, Philippine Coast Guard, Philippine Navy, Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP).
Ayon kay Ginoong Conag, nagpalabas sila ng memorandum na ang mga trained response team ay nasa on-call status para sa augmentation sa Cordillera Administrative Region (CAR) at region 1.
Sa Dinapigue, Isabela aniya ay hindi halos naramdaman ang 5.1 magnitude na lindol na nangyari dakong alas singko kahapon.
Batay sa kanilang koordinasyon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa Dinapigue, Isabela ay malayo sa kalupaan kundi nasa bahagi ng karagatan ang epicenter ng lindol.