CAUAYAN CITY- May sinsundan nang gabay ang Santiago City Police Office (SCPO)sa naganap na pagsabog ng hinihinalang granada sa barangay Centro West.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Sr. Supt. Percival Rumbaua, City Director ng SCPO, mayroon na silang minomonitor na grupo ng mga drug personality kaugnay sa kanilang operasyon sa illegal na droga na maaaring may kagagawan sa pagpapasabog.
Anya, dahil sa ang ilan sa mga sangkot sa droga ay sumusuko na ay nagkakaroon ng kalituhan sa nasabing grupo.
Sinabi pa ng City Director na maaring nag-uusap ang dalawang pangkat ng mga umanoy sangkot sa droga at nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan
Batay sa pagsisiyasat ng pulisya may mga pangkat na nag-away sa nasabing lugar hanggang nagkaroon ng habulan ng sasakyan na humantong sa paghahagis at pagsabog ng hinihinalaang granada sa harapan ng isang bahay na nagsanhi na pagkasira ng isang sasakyan.
Bumuo na ng tracker team ang pulisya na nagsasagawa ng masusing pagsisiyasat sa nasabing pagsabog.