CAUAYAN CITY – Matapos ang matagumpay na pagdaraos sa City of Ilagan Sports Complex ng 12th South East Asia Youth Athletics Championships ay agad na sumunod ang 2017 Philippine National Open Invitational Athletics Championships na pormal na nagbukas kaninang alas singko ng hapon sa nasabing venue.
Star studded ang grand opening ceremony dahil magbibigay ng aliw ang mga artistang sina Erich Gonzales at Sam Concepcion.
Magkakaroon din ng fireworks display.
Bukas, ika-30 ng Marso ay magsisimula ang mga laro at magtatapos sa ikadalawa ng Abril 2017.
Ang Philippine National Open Invitational Athletics Championships ang magsisilbing final stage sa pagpili ng national team na lalahok sa 29th South East Asian Games na gaganapin sa buwan ang Agosto sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Ang 4-day sporting event ay katatampukan ng 27 track-and-field competitiosn sa pangangasiwa ng Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA), City of Ilagan at iba pang Local Government Units o LGU’s.
Sasabak sa torneo ang umaabot sa 1,000 na mahuhusay na atleta sa Pilipinas at iba’t ibang bansa gayundin ang mga Fil-American athletes tulad ni Eric Shauwn Cray, beterano sa London at Rio Olympic Games na maglalaro sa 100 meter at 400 meter hurdles.
Makakasama ni Cray sina 2015 SEA Games Games Hammer throw record holder Caleb Stuart at Singapore SEA Games Long Jump bronze medalist Donovant Arriola.
Balik sa Philippine National Open si Tyler Ruiz, na nakatuon sa pagiging national team member ulit ngunit sa long jump at hindi sa high jump.
Bagong miyembro ng national team si Trenten Beram na lalahok sa 200 meter at 400 meter events.
Siyam na bansa ang makakalaban ng Pilipinas na kinabibilangan ng South Korea, Sri Lanka, Malaysia, Singapore, Taiwan, Hong Kong, Guam at Brunei Darussalam.
Kabilang sa mga dayuhang atleta na makakalaban ng mga atletang Pinoy si Malaysian middle distance runner Savinder Kaur Singh at hurdler Raja Azhar, Sri Lankan Nimali Liyanarachi, na nakapagtala ng record na 53.9 sa women’s 400 meters.
Siya ang reigning champion sa women’s 800-meter sa South Asian Games noong 2016.
Kabilang din si Malaysian star Savinder Kaur Singh at si Raja Azhar na inaasahang magpapakitang gilas sa women’s 100-meter hurdles.