CAUAYAN CITY – Hinamak dahil sa pagkakaroon ng kapansanan ngunit hindi pinanghinaan ng loob kundi nagsikap at nagpunyagi upang makatapos ng kurso, nagkaroon ng trabaho at nakatagpo ng babaeng nagtapos din ng kurso at pinanindigan ang pagmamahal sa kanya.
Ito ang makulay na buhay ni Ginoong Eduard Vergara, 38 anyos, residente ng Palawan, San Guillermo, Isabela na siyang 1st prize winner sa Kahapon Lamang Sucess Story ng Bombo Radyo Cauayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mr. Vergara, sinabi niya na naging hamon at inspirasyon sa kanya ang mga paghuhusga sa kanya upang patunayan mayroon siyang magagawa upang makamit ang mga pangarap at magtagumpay sa buhay.
Ipinagbubuntis pa lamang si Mr. Vergara ng kanyang ina ay naghiwalay na sila ng kanyang ama kaya umuwi ang ina sa kanilang lugar sa San Guillermo, Isabela.
Malusog siyang isilang ng kanyang ina ngunit napilay ang kanyang mga paa sa isang disgrasya noong siya ay 3 anyos lamang.
Hindi sana siya pag-aaralin dahil sa kanyang kalagayan ngunit nainggit siya sa mga bata kaya kinausap niya ang kanyang ina.
Noong wala pa siyang saklay ay gumagapang siya sa paglalakad gamit ang mga kamay na siyang nakasuot ng tsinelas.
Sa kanyang pag-aaral ay naging student leader siya at noong nasa college siya ay nahalal na presidente ng Supreme Student Council (SSC).
Kumita siya ng sariling pera sa pamamagitan ng pagguhit. Napili siyang sumali sa Provincial Schools Press Conference bilang editorial cartoonist.
Nagsilbing hamon para kay Mr. Vergara ang sinabi ng kanyang amain na siya ay ambisyoso at tinaya na hindi siya magtatagal sa kolehiyo.
Sa pamamagitan ng scholarship program ng Provincial Government ay nakatapos si Mr. Vergara ng Bachelor of Science in Industrial Education sa Isabela State University Ilagan City Campus.
Labis siyang ipinagmamalaki ng kanyang nanay dahil siya ang kauna-unahang degree holder sa motherside.
Naging call center agent si Mr. Vergara at nagturo ng dalawang taon sa Laguna ngunit napilitang umuwi sa Isabela matapos na manalasa ang bagyong Ondoy.
Si Mr. Vergara ang namamahala ngayon ng kanilang napundar na farm at negosyo.
Ibayong nagbigay kulay sa kanyang buhay ang pagkakatagpo ng babaeng pinanindigan ang pagmamahal sa kanya.
Nagpakasal sa kanya ang nobya sa kabila ng pagtutol ng kanyang mga magulang. Malapit nang isilang ng misis ni Mr. Vergara ang unang bunga ng kanilang pagmamahalan.
Sinabi niya na sana ay magsilbi siyang inspirasyon sa mga tulad niyang may kapansanan na hindi dapat sumuko at panghinaan ng loob kundi magkaroon ng determinasyon para makamit ang tagumpay.




