CAUAYAN CITY – Bahagyang bumagal ang naitatalang kaso ng African Swine Fever (ASF) sa Isabela matapos ang mga ginawang paghihigpit ng mga local government units (LGUs) upang hindi makapasok ang sakit sa kanilang mga lugar.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Belina Barbosa, Provincial Veterinary Officer ng Isabela, sinabi niya na ang naidagdag lamang sa listahan ng mga bayang apektado ng ASF ay ang bayan ng Cabagan.
Unang nakapagtala ng kaso ang labindalawang bayan sa Isabela na kinabibilangan ng Gamu, Angadanan, Alicia, Ramon, Roxas, Luna, Quirino, Aurora, Echague, Mallig, San Isidro at Burgos.
Aniya, matapos maitala ang kaso sa bayan ng Cabagan ay agad namang naireport at naagapan ang pagkalat ng sakit.
Batay sa kanilang talaan mayroon nang 550 na baboy ang na-cull at namatay dahil sa ASF.
Ayon kay Dr. Barbosa agad na pinuntahan ng Provincial Veterinary Office ang mga lugar na nakakapagtala ng kaso upang makita ang dahilan ng pagkamatay ng mga baboy.
Nangungulekta sila ng blood samples sa mga baboy at sinusuri sa kanilang laboratoryo upang makumpirma kung ito ay ASF.
Kapag nakumpirma na ASF ang dahilan ng pagkakaroon ng sakit at pagkamatay ng mga baboy ay agad silang nagsasagawa ng culling upang hindi na kumalat pa ang sakit.
Aniya, iba na ngayon dahil hindi na mabilis kumalat ang ASF.
Agad na aniyang napipigilan at katunayan nasa anim na hog raisers na lamang ang pinakamaraming bilang ng apektado sa isang lugar sa Isabela.
Maliit na rin ang bilang ng mortality kumpara sa mga nagdaang kaso dahil ngayon ay nasa 2.5% lamang ang mortality rate ng ASF sa lalawigan.
Patuloy naman ang kanilang paalala sa mga hog raisers na iwasan na ang pagpapa-uraga sa mga barangay upang hindi kumalat ang naturang sakit ng baboy.
Tinig ni Dr. Belina Barbosa.