--Ads--

CAUAYAN CITY – Kabilang sa tinitingnang rason ngayon ng Bureau of Fire Protection o BFP Cauayan City sa pagkasunog ng City Hall kahapon ng madaling araw ang faulty electrical wirings.

Matatandaang nasunog ang bahagi ng Cauayan City Hall building partikular sa 4th floor sa HR Office Extention.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Senior Fire Officer 2 Trinidad Arroyo, Investigation Chief ng BFP Cauayan City, sinabi niya na kapag loose ang wiring connection ng mga socket ay nagkakaroon ng pagspark at nagdudulot ng sunog.

Batay sa kanilang pagsisiyasat sa nasunog na bahagi ng City Hall, nakita nila ang loose socket at mga appliances na naiwang nakasaksak na maaring nagsanhi ng sunog.

--Ads--

Mabuti na lamang aniya at mabilis na naitawag ito sa kanilang tanggapan at agad din silang nakaresponde para apulahin ang sunog.

Wala ring naging aberya sa pag-aapula dahil umabot naman hanggang sa 4th floor ang kanilang hose.

Batay sa kanilang pagtaya aabot sa P30,000 ang halaga ng mga napinsala sa nasabing sunog pangunahin na ang mga mahahalagang papeles at mga dokumento.

Muli naman siyang nagpaalala sa publiko na laging suriin ang mga electrical wirings sa bahay at huwag iiwang nakasaksak ang mga appliances dahil maaring pagsimulan ito ng sunog.