--Ads--

CAUAYAN CITY- Napaiyak ang sheriff na nagpatupad ng demolisyon sa labing walong kabahayan sa Purok 6, Brgy. Bagong Sikat, Alicia, Isabela.

Ang demolisyon ay isinagawa ng grupo ni Sheriff Agnes Cadiente ng RTC OCC, Cauayan City bilang pagtalima sa demolition order na ipinalabas ni Hukom Lornabeth Ucol ng Municipal Trial Court ng Alicia, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Sheriif Agnes nararamdaman din niya bilang isang ina ang nararamdaman ng mga inang mawawalan ng tahanan subalit kanyang inihayag na kailangan niyang sumunod.

Mayroon anyang kautusan ang hukuman at kailangan niyang ipatupad ang demolisyon bilang kanyang trabaho.

--Ads--

Samantala, umapela ng tulong ang nasa 100 residente na maapektuhan ng demolisyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay G. Exiquiel Tubog, pinuno ng mga apektadong residente, taong 1960 pa nang nanirahan ang kanilang mga magulang sa nasabing lugar.

Aniya, ang 3,000 square meters na lupain ay naisanla ng nagmamay-ari noon na si Clarita Mariano hanggang nafore-close ng bangko at tinubos ni Aurelia Mapili.

Ayon kay G. Tubog, maging ang maliit na lupain na kanilang sinasaka ay kinuha na rin ni Mapili at ang kinatitirikan ng kanilang mga bahay ay nais din nitong kunin.

Nanindigan din si Tubog na hindi sila susuko at ipaglalaban ang kanilang karapatan.

Sa kabila nito ay tuluyan nang isinailalim sa demolisyon ang naturang mga kabahayan sa lugar makaraang mapayapang kinausap at pinagpaliwanagan ng mga pulis.

Nakahanda naman ang lokal na pamahalaan ng Alicia na magbigay ng tulong para sa relokasyon ng apektadong residente.