CAUAYAN CITY – Nakabalik na sa kanilang mga bahay sa Cabua-an, Maddela, Quirino ang 410 individual na lumikas sa municipal gymnasium.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Chief Insp. Jun Balisi, hepe ng Maddela Police Station na bumalik na kahapon ang mga residente sa kanilang barangay.
Aniya, nangako ang mga sundalo na magbibigay sila ng seguridad sa mga residente ng barangay Cabua-an kaya’t nagsibalik na sila sa kanilang mga bahay
Nauna rito, inihayag ni Barangay Kapitan Gilbert Buyucan na noong nakaraang Biyernes at Sabado ay lumikas ang mga residente ng Purok 1, 2, 3 at 6 ng Barangay Cabua-an sa Maddela Gymnasium sa Poblacion.
Ito ay matapos na namataan noong Miyerkoles, ika-15 ng Pebrero 2017 ang mahigit 100 na miyembro ng NPA at noong Biyernes ay dumating ang mga sundalo kaya’t agad silang lumikas sa takot na madamay kapag nagkaroon ng sagupaan.
Nag-aalala na aniya ang mga residente dahil sa apektado ang kanilang kabuhayan at maging ang pasok sa paaralan ng mga mag-aaral ay pansamantalang sinuspinde.
Samantala, inihayag ni Mr. Alejandro Manganawi, residente ng Barangay Cabua-an na mag-isa lamang siya sa kanyang bahay nang kumatok at nakiluto sa kanya ang 2 kasapi ng NPA.