CAUAYAN CITY- Patay ang isang kakanin vendor matapos aksidenteng mabangga ng isang kotse habang lulan ng kanyang bisikleta sa Barangay Macalaoat, Cabatuan, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Romeo Mabea, hepe ng Cabatuan Police Station sinabi niya na sangkot sa aksidente ang isang kotse na minamaneho ni Crisanto James Gante, isang government employee habang ang sakay ng bisikleta ay kinilalang si Mila Battad, kakanin vendor at kapwa residente ng bayan ng Cabatuan.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng PNP habang binabaybay umano ng kotse ang pambansang lansangan ay biglang tumawid mula sa left shoulder ng kalsada ang bisikleta na siyang dahilan upang mabangga ito ng kotse.
Aniya na lumalabas din sa imbestigasyon ng pulisya na posibleng hindi napansin ng tsuper ng kotse ang bisikleta na nagresulta upang masawi ang sakay nito.
Aminado naman si PMaj. Mabea na kulang sa ilaw ang daan na pinagyarihan ng insidente at isa sa mga tinitignang dahilan ng aksidente ay ang nadulas na ulan dahil sa naranasang pag-ulan sa lugar.
Negatibo naman umano nasa impluwensiya ng nakakalasing nainumin ang tsuper ng kotse.
Paalala naman ni PMaj. Mabea sa mga motorista na maging maingat sa pagmamaneho upang maiwasang makadisgrasya.