--Ads--

CAUAYAN CITY- Inirereklamo ng ilang residente sa Barangay Dalenat Angadanan, Isabela ang umano’y pinabayaan nang sinkhole na konektado sa flood control project sa lugar at ang pinabayaang lote na umano’y tinambakan ng mga construction materials at equipment.

Ang naturang flood control ay ginawa ng Infinitum 888 Construction and Development Corporation / Algo Construction and Power Development, Inc. at may pondong P77,164,336 na katatapos lamang noong February 28, 2025.

Batay sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay kagawad Jefferson Flores ng Dalenat, Angadanan, Isabela, sinabi niya na wala silang problema sa ginamit na materyales dahil palagay naman nila ay magtatagal ang flood control.

Tanging concern lamang aniya nila ay ang napabayaang sinkhole na labasan ng tubig na konektado sa flood control.

--Ads--

Napabayaan na aniya kaya gumuguho na ang lupa at papalapit na sa mga kabahayaan ang butas kaya nila ito pinangangambahan.

Ang ginawa na lamang ng mga residente ay tinaniman ng saging ang butas sa sinkhole upang hindi na tuluyang bumigay ang lupa.

Hinihintay naman aniya nila na masemento ito dahil yun ang nasa plano sa paggawa ng flood control ngunit hanggang ngayon ay wala pang tugon ang contractor kung aayusin pa ang hindi magandang sinkhole sa lugar.

Bukod dito, dapat din aniyang maayos o masemento ang lupang pinabayaan matapos itong gamitin na tambakan ng mga materyales at equipment ng construction firm na may hawak sa flood control sa kanilang lugar.