--Ads--

CAUAYAN CITY – Nanawagan ng tulong sa pamamagitan ng Bombo Radyo Cauayan ang isang apo ng namatay na lolo na kailangan pang isakay sa balsa upang maitawid sa malakas na agos ng tubig at maihatid sa kanyang huling hantungan sa Hacienda Intal, Baggao, Cagayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan,  inihayag ni Jerica Molina, isang college student na ini-upload ng kanyang tita ang pagsakay sa balsa sa kabaong ng kanyang lolo  na kulay pink dahil sa malakas na agos ng tubig.

Inihayag ni Jerica na ang alam niya ay ipinagpaliban ang libing ng kanyang lolo dahil sa mataas ang antas ng tubig sa ilog.

Mula sa Tuguegarao City ay nakatakda silang uuwi ngunit hindi madaanan ang Abusan Bridge sa Baggao dahil sa mataas na antas ng tubig.

--Ads--

Iniupload ng kanyang tita ang naturang pangyayari at nanawagan sa Bombo Radyo Philippines at Provincial Government ng Cagayan dahil nais nilang ipaalam kung gaano kahirap ang nararanasan nila sa kanilang lugar gayundin na manawagan sa mga opisyal ng pamahalaan na mabigyan sila ng bangka o hanging bridge para kapag lumaki ang tubig ay mayroon silang magamit.

Mapanganib aniya ang ginagamit nilang balsa sa kanilang lugar sa tuwing lumalaki ang antas ng tubig sa ilog.