--Ads--

Isang lalaki sa England na mahilig sa tsokolate ang literal na nagpaalam sa mundo sa matamis na paraan matapos siyang ilibing sa isang kabaong na mistulang higanteng Snickers bar.

Si Paul Broome, isang Care Assistant para sa mga may learning disabilities, ay matagal nang nagbibiro sa kanyang pamilya at mga kaibigan na gusto niyang mailibing sa isang kabaong na hugis Snickers bar.

Pero hindi lang pala iyon simpleng hirit, nakasaad mismo sa kanyang huling habilin ang kakaibang kahilingan na ito kaya naman nang siya ay pumanaw, tiniyak ng kanyang pamilya na tuparin ito.

Pinagawa nila ang isang espesyal na kabaong na may disenyo ng isang partially unwrapped Snickers bar, kumpleto pa sa nakasulat na “I’m nuts!” sa gilid, isang witty na pagpupugay sa kanyang pagiging palabiro at masayahin.

--Ads--

Pero hindi lang ang kabaong ang may kakaibang tema dahil pati mismong libing ni Broome ay hindi pangkaraniwan. Dumaan ang kanyang funeral procession sa paborito niyang café sa Bognor Regis, kung saan naghihintay ang kanyang mga kaibigan, suot ang custom tribute T-shirts.

Sa halip na malungkot na pamamaalam, sinalubong siya ng palakpakan at pagbati, bilang pagsaludo sa kanyang masayang personalidad. Bukod sa disenyo ng Snickers bar, makikita rin sa kanyang kabaong ang logo ng Crystal Palace FC, ang English Football League team na matagal niyang sinuportahan.

Ayon sa kanyang pamilya, umabot sa 40 shirts ng Crystal Palace ang nako­lekta ni Broome kasama ang kanyang mga kapatid bilang tanda ng kanyang dedikasyon sa koponan.

Ayon kay Ali Leggo, funeral arranger ng F.A. Holland Funeral care sa Chichester, naging espesyal ang pag-alala kay Broome dahil sa mga personal na detalyeng inilagay ng kanyang pamilya at mga kaibigan.

Sa huli, natupad ang pangarap ni Broome na gawing isang di-malilimutang alaala ang kanyang pagpanaw. Mula sa kanyang kabaong na mukhang tsokolate hanggang sa masiglang seremonya, tunay ngang kahit sa kabilang buhay, naipakita niya ang kanyang pagiging masayahin at puno ng humor.

Sino ang magsasabing ang pamamaalam ay kailangang puro luha? Sa kaso ni Broome, literal niyang pinatamis ang kanyang huling biyahe at tiyak, kahit sino ang makarinig ng kanyang kuwento, hindi mapipigilang mapangiti.