CAUAYAN CITY – Nanawagan ng tulong ang nanay ng conjoined twins na isinilang noong Marso 15, 2017 sa Southern Isabela General Hospital (SIGH) sa Santiago City.
Ang kambal na baby na kapwa babae ay isinilang na malusog ngunit magkadikit ang kanilang tiyan at iisa ang kanilang ari o vagina.
Ang ina ng conjoined twins ay si Mrs. Rochelle Lavariento, housewife at ang kanilang ama ay si Regie Lavariento, magsasaka.
Ang mag-asawang Lavariento ay residente ng Salay, San Agustin, Isabela at panglima nilang anak ang kambal.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Mrs. Lavariento na lumabas na sa ultrasound noong siya ay buntis na magkadikit ang kanyang baby.
Sinabi aniya ng doktor na malaki ang pagkakataong mabuhay ang kambal at may posibilidad na mapaghiwalay ang kanilang katawan sa pamamagitan ng operasyon ngunit kailangan ang malaking halaga ng pera.
Sa pamamagitan ng Bombo Radyo Cauayan ay nanawagan ng tulong si Gng. Lavariento para maoperahan ang kanyang kambal na baby.
Aniya, mahirap ang kanilang kalagayan sa buhay kaya kailangan nila ang tulong ng mga mapakawanggawang individual, grupo at organisasyon upang mapaghiwalay ang kanyang mga baby.