CAUAYAN CITY– Negatibo sa COVID-19 test ang ginang na dinala sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City at isinailalim sa cesarean delivery.
Ang ginang ay suspect case sa Coronavirus Disease (COVID-19) matapos makaranas ng pneumonia.
Ang 37 anyos na buntis ay ini-refer ng Cauayan District Hospital sa Cagayan Valley Medical Center dahil nakakaranas ng pre-eclampsia o mataas na blood pressure.
Nauna rito ay na-classify ang ginang na suspect case kaya kinunan ng throat swab na dinala sa Baguio General Hospital ang specimen.
Walang travel history sa Metro Manila ang ginang ngunit may mga nakasalamuha na iba’t ibang tao sa kanyang pre-natal check up sa ilang klinika.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Glenn Matthew Baggao,Medical Center Chief ng CVMC na nagnegatibo sa COVID 19 ang ginang maging ng kanyang baby girl.
Ayon kay Dr. Baggao inilipat na sa OB ward ng CVMC ang ginang at kanyang sanggol.
Sinabi pa ni Dr. Baggao na ngayong araw ng Sabado ang pang- 13 days araw na walang naitalang COVID positive patient ang pamunuan ng CVMC.
Samantala, mayroong 11 suspect COVID patients ang naka-admit ngayon sa CVMC na galing sa iba’t ibang lugar sa Cagayan.
Mayroon din aniyang probable COVID patient na galing sa mga bayan ng Delfin Albano, Mallig, Quezon at Lunsod ng Ilagan sa Isabela.
Ilan sa kanila ay may travel history sa mga lugar na infected ng COVID 19 habang ang ilan ay nakakaranas lamang ng sintomas.










