CAUAYAN CITY – Nangibabaw ang husay at galing ng mga atletang Pinoy sa mga laro kaninang umaga sa unang araw ng Philippine National Open Invitational Athletics Championships (PNOIAC) na ginaganap sa City of Ilagan Sports Complex.
Ang Team Baguio ang unang nagwagi ng gold medal sa mga laro na nagsimula kaninang alas singko ng umaga.
Ang beterano ng national open na si Cristabel Martes ay nagwagi ng gold medal sa 10,000 meter run sa naitalang record na 38:40:52. Hindi niya nalampasan ang dating record na 34:40:30.
Bukas ay maglalaro siya ng 5,000 meter run.
Samantala ang silver medal ay napanalunan ni Corporal Jho-An Villarma Philippine Army.
Siya ay dating member ng national team na naging silver medalist sa South East Asian Games.
Ang nagwagi ng bronze medal ay si Miscell Gilbuena ng Philippine Air Force team.
Sa 3,000 meters steeple chase ay nagwagi ng gold medal si Manuel Camino ng Bukidnon.
Sinabi niya na mayroon pa sana siyang event ngunit uuwi na siya dahil magtatapos siya sa April 1, 2017 ng kanyang kursong Bachelor of Sports and Wellness Management.
Samantala, ang atleta ng Timor Leste na si Felisberto de Deus ay nagwagi ng gold sa 3000 meters steeple chase boys sa oras 9:45.83.
Ang nagwagi ng bronze ay si Edgar Maghinay Jr. ng San Beda College, 9:50.48.
Ang nanalo ng silver ay si James Darrel Orduna ng Bulacan, 9:57.87.
Ang Philippine record na 8:35.09 ay hawak ni Hector Begeo na lumahok noong 1988 Seoul Olympic Games.
Sa naging panayam ng Bombo radyo Cauayan, pinuri ni de Deus ang pagiging friendly ng mga nakakasalamuhang Pinoy.
Masarap din ang mga pagkain na isinisilbi sa kanila at marami na rin siyang naging kaibigan sa ilang araw na pananatili sa Lunsod ng Ilagan.
Sa shot put ay nanalo ng gold medal si Albert Mantua ng General Santos, miyembro ng Philippines-Ilagan City team 14.90 meters.
Ang silver medal ay napanalunan ni Ronmol Andawa ng Jose Rizal University na nakapagtala ng 14.14 meters.
Ang bronze medal ay napanalunan ni Cris Paulo Haluber ng Mapua Institute of Technology sa record na 12.13m throw.
Sa high Jump ay nagwagi ng gold medal si Christian Dave Geraldino ng Mapua sa record na 1.89m.
Nagwagi ng silver medal si Ryan Teo ng Singapore, 1.86m.
Ang bronze ay napanalunan ni Gilbert Codera ng San Beda College, 1.80m.




