
CAUAYAN CITY – Natagpuan ng mga residente ang bangkay ng hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) malapit sa pinangyarihan ng engkuwentro noong Martes, Oktubre 22, 2019 sa pagitan ng militar at rebelde sa San Guillermo, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag Lt. Col. Ali Alejo, Commanding Officer ng 86th Infantry Battalion Philippine Army na nakita sa San Mariano Norte, San Guillermo ang bangkay ng hinihinalang NPA na may bandage ang nasugatang bahagi ng kanyang paa.
Hinihinalang iniwan ng kanyang mga kasamang rebelde sa Sinalugan Creek matapos masawi sa naganap na ikalawang bakbakan ng militar at NPA sa nasabing lugar.
Ayon kay Lt Col Alejo, batay sa kanilang pagtatanong sa nasabing lugar ay sinabi nila na hindi taga-San Mariano Norte ang narecover na katawan ng lalaki at walang nakakakilala sa bangkay.
Ilang residente sa San Mariano Norte, San Guillermo ang nakakita sa bakas ng dugo na kanilang sinundan at nakita ang bangkay na agad nilang ipinagbigay alam sa mga sundalo at pulis.
Ang bangkay ng lalaki ay ipinasakamay sa San Guillermo Police Station at tumutulong na ang pamahalaang lokal para sa pagsasaayos sa labi ng hinihinalang rebelde.
Natagpuan din ang isang jungle packs na naglalaman ng mga personal na gamit, 1 bandoleer, 3 long magazines na loaded ng 80 rounds ng bala, 1 binocular, 60 meters wire, 1 CPP-NPA flag, medicines at mga subersibong dokumento na may mataas na intelligence value.




