CAUAYAN CITY – Balik na sa normal ang operasyon ng NAPOCOR matapos ang ilang araw na reduced power operation dahil sa naging epekto ng bagyong Betty.
Dahil mainit at maganda na ang lagay ng panahon ay nakarating ang bangkang maghahatid ng krudo para sa kanilang power supply matapos na ma-stranded dahil sa pag-ulan at matataas na alon sa karagatang sakop ng Pangasinan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Justinne Jerico Socito tagapagsalita ng Emergency Operation Center ng Batanes sinabi niya na walang naitalang anumang pinsala sa imprastraktura maliban sa partially damage sa sea wall ng isang tradisyunal na fishing village sa Mahatao.
Bahagyang napinsala ang sea wall dahil sa inabot ito ng malalakas na alon dulot ng malakas na hangin na dala ng bagyo noong nakaraang linggo.
Kakaunti din ang naitalang pinsala sa sektor ng agrikultura na halos isang milyon lamang ang halaga.
Nakauwi na rin ang lahat ng mga residente na kanilang inilikas noong kasagsagaan ng Bagyong Betty dahil ligtas at maayos na ang lagay ng panahon sa Batanes.