--Ads--

CAUAYAN CITY – Hindi nakatulong ang sunud-sunod na pag-ulan sa pagtaas ng elevation ng tubig sa Magat Dam Reservoir.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Gileu Michael Dimoloy, Department Manager A ng National Irrigation Administration (NIA-MARIIS), sinabi niya na mas ibinaba pa nila ang volume ng kanilang ipinapalabas na patubig para sa irigasyon.

Sa kabila ng mga mahihinang pag-ulan ay mas bumaba pa ang inflow ng tubig sa Magat habang papalapit ang susunod na cropping season.

Sa ngayon ay mas mababa pa ang inflow ng tubig mula sa watershed areas na nasa 30 cubic meters per second na lamang kumpara sa 35 cubic meters per second na nagagamit para sa kanilang Irrigation Diversion Requirement  (IDR).

--Ads--

Inaasahang sa darating na ika-15 ng Marso ay tuluyan nang ititigil ng NIA-MARIIS ang patubig mula sa Magat Dam upang makapag-ipon para sa susunod na cropping season.

Samantala, pag-aaralan ng NIA-MARIIS kung anong lugar ang una nilang mapapatubigan sa susunod na cropping season dahil sa inaasahang mababang lebel ng tubig.